
Kung ang pagiging malaya man ang
Itinituring na batayan ng purong kasiyahan,
Kailan kaya natin mararanasan
ang maging tunay na masaya?
Ibong minsa’y malaya
Pakpak ngayo’y itiniklop
Hinihila papasok sa isang hawla
Humihikbi, nagmamakaawa.
Paano ba lalabanan ang kalabang makapangyarihan
Hindi mo makita ngunit sa paligid ay nandiyan
Maling hawak o maling paglanghap
Tila’y lahat ay patibong sa huli mong sulyap.
Hindi tayo nakakulong ngunit hindi makagalaw
Tila nakagapos at pag-asa’y di matanaw
Delubyong bumabalot sa buong mundo
Di mawari kung ma’y katapusan pa ba ang lahat ng ito.
Kung ating mapapansin
Bawat araw ay pagkakataong ibinibigay sa atin
Bumabangon tayo at araw-araw na gumigising
Hinihintay lagi ang bukang liwayway matapos ang takipsilim.
Sa pagsikat ng araw ito’y hudyat ng pag-asa
Ito’y ilaw sa isang kandilang hindi dapat mawala
Ito’y pag-asa na kahit isang butil na lamang ang natira
Yayabong pa rin kung itatanim sa puso ng bawat isa.
Sa unti-unting hakbang ay mayroong pag-usad
Humayo’t huwag ng mabagabag
Pagsikapang makawala sa hawlang makamandag
Tulad ng mga ibon, tayo’y sama-samang lilipad.