HAWLA – Tula sa Gitna ng CoVID-19 Pandemic

Kung ang pagiging malaya man ang

Itinituring na batayan ng purong kasiyahan,

Kailan kaya natin mararanasan

ang maging tunay na masaya?

Ibong minsa’y malaya

Pakpak ngayo’y itiniklop

Hinihila papasok sa isang hawla

Humihikbi, nagmamakaawa.

Paano ba lalabanan ang kalabang makapangyarihan

Hindi mo makita ngunit sa paligid ay nandiyan

Maling hawak o maling paglanghap

Tila’y lahat ay patibong sa huli mong sulyap.

Hindi tayo nakakulong ngunit hindi makagalaw

Tila nakagapos at pag-asa’y di matanaw

Delubyong bumabalot sa buong mundo

Di mawari kung ma’y katapusan pa ba ang lahat ng ito.

Kung ating mapapansin

Bawat araw ay pagkakataong ibinibigay sa atin

Bumabangon tayo at araw-araw na gumigising

Hinihintay lagi ang bukang liwayway matapos ang takipsilim.

Sa pagsikat ng araw ito’y hudyat ng pag-asa

Ito’y ilaw sa isang kandilang hindi dapat mawala

Ito’y pag-asa na kahit isang butil na lamang ang natira

Yayabong pa rin kung itatanim sa puso ng bawat isa.

Sa unti-unting hakbang ay mayroong pag-usad

Humayo’t huwag ng mabagabag

Pagsikapang makawala sa hawlang makamandag

Tulad ng mga ibon, tayo’y sama-samang lilipad.

Related Posts

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: